MAKAAASA ang mga customer ng Manila Electric Company (Meralco) ng mas mababang singil sa koryente ngayong Abril.
Ayon sa Meralco, nasa P0.1180 kada kilowatt-hour (kWh) ang bawas-singil ngayong buwan bunsod ng mababang generation at transmission charges.
Dahil dito, ang overall rate para sa typical household ay bumaba sa P11.3168 kada kWh mula P11.4348 kada kWh noong Marso.
Ang kumokonsumo ng 200 kwh ay may P24 bawas-singil, P35 sa konsumong 300 kwh, P47 sa 400 kwh at P59 sa kumokonsumo ng 500 kwh.
Ayon sa Meralco, ang generation charge ay bumaba sa P7.3295 ngayong buwan mula P7.3790 kada kWh. Ito ay sa kabila ng koleksiyon ng P0.20 kada kWh bilang bahagi ng unang bugso ng koleksiyon para sa deferred generation costs.