(Ngayong Biyernes) PAGBABAKUNA NG BABOY VS ASF TULOY

TULOY ngayong Biyernes, Agosto 30, ang unang government-controlled vaccination laban sa African swine fever (ASF), ayon sa Department of Agriculture (DA).

“All systems go tayo for the vaccination sa Lobo, Batangas,” pahayag ni DA Assistant Secretary Arnel De Mesa.

“Iyong mga na-test natin na baboy prior to vaccination ay negative and healthy. Matutuloy iyong bakuna natin bukas.”

Sinabi ni De Mesa na ipaprayoridad ng DA-Bureau of Animal Industry (BAI) ang small-hold backyard hog raisers sa Lobo.

Aniya, ang pagbabakuna ay ika-cluster din para masiguro ang kalidad ng mga bakuna, na ang bawat vial ay katumbas ng 50 doses.

“Doon sila dapat sa mga farm nila doon mo sila babakunahan. Dapat strategic kasi may temperature requirement din yung bakuna,” ani De Mesa said.

Para sa first batch ng ASF government-controlled vaccination, 10,000 doses ng emergency-procured vaccines ang gagamitin.

Samantala, sinabi ni De Mesa na ang karagdagang 150,000 doses ng AVAC live vaccines ay inaasahang darating sa bansa sa susunod na linggo.

Gayunman, ang mga susunod na bakuna ay kailangan aniyang sumailalim sa regular bidding at procurement process.

Ang iba pang mga lugar na tinatarget para sa susunod na vaccine rollouts ay ang red zones o barangays na may active ASF cases sa Quezon, Rizal, Laguna, Occidental Mindoro, at North Cotabato.

Sa pinakahuling datos ng DA-BAI, ang ASF ay kumalat na sa 32 lalawigan mula sa 22 na naiulat noong Agosot 8.

Sa kasalukuyan ay nasa 458 barangays na ang apektado ng ASF na halos dumoble mula sa unang napaulat na 251.

Isa sa pinakatinamaan ay ang North Cotabato na may 87 barangays, sumunod ang Occidental Mindoro na may 69, at Batangas na may 66 barangay.

Sa Luzon ay may 312 ang nasa pink zone o buffer zone, samantalang 98 ay nasa Visayas at 47 sa Mindanao. Mayroon namang 58 barangays ang nasa kategorya ng yellow zone areas (under surveillance) sa Luzon , 1 sa Visayas, at 29 sa Mindanao. MA. LUISA MACABUHAY-GARCIA