(Ngayong buwan)SINGIL SA KORYENTE MAY BAWAS

KORYENTE-4

INANUNSIYO ng Manila Electricity Company (Meralco) ang pagbaba ng singil sa koryente ngayong buwan.

Batay sa abiso ng Meralco, ang singil sa koryente ay bababa ng 7.37 centavos per kilowatt-hour sa P9.8628/kWh mula P9.9365/kWh noong Setyembre.

Katumbas ito ng bawas-singil na P15 para sa mga kumokonsumo ng 200 kada kilowatt hour kada buwan.

Habang nasa P22 naman ang tapyas sa bayarin sa mga kumokonsumo ng 300/kWh; P29 sa 400/kWh at P36 sa 500/kWh.

Ang bawas-singil ay sanhi ng pagbaba ng feed-in-tariff allowance ng 6.19 centavos/kWh, makaraang aprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang mas mababang koleksiyon simula ngayong Oktubre.

Bumaba rin ang generation charges para sa buwan ng 2.01 centavos/kWh sa P6.9192/kWh mula P6.939/kWh noong nakaraang buwan dahil sa mas mababang halaga mula sa supply contracts ng kompanya.

Ayon sa Meralco, bumaba rin ang singil mula sa independent power producers (IPPs) at power supply agreements (PSAs) sa nasabing buwan.

“The lower IPP and PSA charges were able to more than offset higher charges from the Wholesale Electricity Spot Market (WESM),” anang ­Meralco.