PAIIGTINGIN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon laban sa mga mapagsamantalang pampublikong sasakyan ngayong Pasko, kung kailan dumarami ang mga pasahero.
Kabilang sa babantayan sa Oplan Isnabero ang mga terminal sa mga mall sa gitna ng mas pinahabang operasyon ng mga mall na bukas mula ala-9 NG umaga hanggang alas-11 ng gabi.
Kasama ng LTFRB sa operasyon ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno gaya ng Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT), Metro Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Office (LTO), Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG) at mga enforcer ng mga local government units.
Pinapaalala ng LTFRB sa mga Public Utility Vehicle (PUV) operator na binibigyan sila ng Certificate of Public Convenience (CPC) bilang pribilehiyo na makapaglingkod sa publiko na nangangailangan ng pampublikong transportasyon.
Kaakibat ng CPC ang mga kondisyon na layong mapabuti ang kanilang serbisyo at taliwas dito ang mga iligal na gawain tulad ng pamimili ng pasahero at pangongontrata ng mas mataas na pamasahe.
Sa anumang suhestiyon o reklamo tungkol sa operasyon ng mga PUV, i-scan ang QR Code na sumusunod at sagutin ang mga tanong kaugnay sa inyong reklamo o suhestiyon.
“Maasahan niyo na patuloy na nakikinig at kumikilos para sa mas maayos na pampublikong transportasyon,” anang LTFRB.
Tinitiyak ng ahensya na patuloy ang arangkada tungo sa ligtas at komportableng pasada.
EVELYN GARCIA