LULUWAGAN ng Land Transportation Office (LTO) ang pagpapatupad ng “no registration, no travel” policy nito sa buong Disyembre sa diwa ng Pasko.
Ayon kay LTO chief Vigor Mendoza II, inatasan na niya ang lahat ng LTO enforcers na warningan lamang ang mga driver ng unregistered motor vehicles.
“Hindi muna tayo mag-i-impound. We instructed, sa utos na rin ito ni [Transport] Secretary [Jaime] Bautista, ‘wag na muna mag-impound ng mga sasakyan na unregistered, bigyan sila ng pagkakataon na magrehistro,” sabi ni Mendoza II.
“Kasi ‘pag na-impound ‘yan, dagdag P10,000 ang babayaran nila, so dagdag bigat ‘yan,” aniya.
“Panahon ngayon ng pagdiriwang at ayaw naman natin na ang inyong LTO ay magdudulot pa ng stress sa ating mga kababayan,” dagdag pa ni Mendoza.
Gayunman, nilinaw niya na hindi ‘forever’ ang pagluluwag ng ahensiya sa mga delinquent motor vehicle.
Pagkatapos ng New Year celebration ay balik ulit, aniya, sila sa dating paghihigpit.
Ayon sa LTO chief, nasa 24.7 milyon o 65% ng mga sasakyan sa bansa ang klasipikado bilang “delinquent” o hindi pa nakakapag-renew ng rehistro ang mga may-ari nito.
Ang mataas na delinquency rate ay maaari aniyang resulta ng pandemya kung saan naging mahirap ang pagpaparehistro ng mga sasakyan.
“Na-carry over na, siguro akala nila ang bigat-bigat na ng penalty nila when in fact hindi,” sabi ni Mendoza. “Kahit ilang taon po ‘yan delingkwente, ang flat rate lang naman ng penalty natin, 50 percent. It does not increase every year.”