(Ngayong Disyembre)SINGIL SA KORYENTE MAY DAGDAG

KORYENTE-5

INANUNSIYO ng Manila Electric Company (Meralco) ang pagtaas sa singil sa koryente ngayong Disyembre makaraang maubos na ang refund na ipinag-utos ng Energy Regulatory Commission (ERC).

Ayon sa Meralco, magkakaroon ng 32.97 centavos per kilowatt-hour (kWh) na dagdag sa bill ngayong buwan.

Dahil dito, ang overall rate para sa isang typical household ay tumaas na sa P10.2769 per kWh mula sa P9.9472 per kWh noong Nobyembre.

Sa rate hike, ang residential customers na kumokonsumo ng 200 kWh ay makaaasa ng P66 sa kanilang total electricity bill ngayong buwan.

Ang kumokonsumo ng 300 kwh ay may dagdag na P99; 400 kwh, P132; at 500kwh, P165.

“This month’s overall rate increase was mainly due to the completion of a distribution-related refund equivalent to P0.4669 per kWh for residential customers,” paliwanag ng Meralco.

Noong Mayo ay inatasan ng ERC ang Meralco na isauli ang P7.8 billion na sobrang singil, na katumbas ng P0.4669 per kWh para sa residential customers.

“There are still three ongoing refunds, totaling P1.3340 per kWh for residential customers, being implemented by Meralco that continue to temper customers’ monthly bills,” ayon sa Meralco.

“These are expected to be fully refunded by December 2022, January 2023, and May 2023, and the impact will subsequently be felt in the succeeding billing periods,” dagdag pa ng kompanya.