IBIG sabihin, nasa huling apat na buwan na tayo ng taon. Tamang-tama ang pagkakataong ito upang bisitahing muli ang ating mga goals for this year at para mapagplanuhan din kung paano natin ima-maximize ang nalalabing panahon ngayong 2023.
Isang mahalagang bahagi ng pagbabalik sa ating mga adhikain ay ang pagdedesisyon kung alin sa mga goals na ito ang hindi na talaga maaaring makamit this year at kailangan munang bitawan. Ito ay hindi para mag-give up, ika nga, kundi isang pagkilala na kung pipilitin natin ay masasayang lamang ang panahon at lakas. Imbes na ituloy, pwede namang mag-iba ng direksyon o kaya ay palitan ang naunang plano ng isang hangarin na mas posibleng makamit. Kung anuman ang magiging desisyon natin tungkol dito, importante lang na pag-isipang mabuti bago bumuo ng pasya.
Mahaba pa ang apat na buwan at marami pang pwedeng magawa. Pero, kailangang maging mas masigasig at mas maagap dahil mabilis ding lumipas ang panahon, lalo na’t kung malapit na sa dulo. Pwede mong subukang mag-prioritize ng tatlong goals, halimbawa, at ituon ang pansin at panahon para sa mga ito. Siyanga pala, hindi lamang pang-business goals o professional goals ang tinutukoy ko sa kolum na ito. Maaari ring i-apply sa relationship goals at personal goals itong mga tips at payo.
Kapag natukoy na natin ang ating mga prayoridad, pwede na tayong magsimulang magplano kung paano hahatiin sa maliliit na bahagi ang mga gawain. Maglagay rin ng deadline para sa bawat bahagi at pag-isipang mabuti kung paano masusukat ang bawat maliit na tagumpay, anong istratehiya ang gagawin, at anu-ano ang mga bagay na ating magagamit, kasama na riyan ang tulong na pwedeng makuha kung kailangan nating mag-delegate. Mahalagang aspeto ng tagumpay ang paghingi ng tulong at pag-assign ng gawain sa iba.