NGAYONG DUMATING NA ANG BER MONTHS

(Pagpapatuloy…)
Ipapayo ng mga eksperto ang paggamit ng 80-20 principle, ibig sabihin, ibuhos natin ang panahon at lakas sa mga bagay na makapagbibigay ng pinakamalaking resulta. Maaaring tukuyin ang mga aktibidad o gawain na makapagpapasok ng mas malaking halaga, halimbawa, pagkatapos ay aayusin ang iskedyul sa buong linggo o sa buong araw upang magkaroon ng sapat na panahon para sa mahahalagang gawaing ito. Maglaan ng sapat na oras araw-araw para sa mga importanteng bagay.

Kung minsan, mapapansin nating may mga bagay na sadyang pumipigil sa atin upang magawa ang dapat nating gawin. Importanteng matukoy natin ang mga ito upang mapag-aralan kung paano natin malalagpasan o maiiwasan ang mga hadlang. Alisin natin ang anumang bagay na makapipigil sa atin upang makamit ang ating mga goals. Mahalaga ring matukoy ang mga bagay na sadyang nagtutulak sa atin upang magpatuloy o maging mas masigasig. Maaaring ito ay pagsusulat, panalangin, paggalaw (movement), inspirasyon, pag-isipan ang magiging kapalit o gantimpala, at iba pa. Hindi ito pare-pareho para sa lahat.

Ang pagpapahalaga para sa ating mga munting panalo ay mahalaga rin. Maaaring tukuyin kung anong gantimpala ang maaaring ibigay sa sarili para sa bawat milestone na mararating. Simpleng regalo para sa sarili ay sapat na, at hindi rin naman kailangang pisikal na pabuya ito. Ito ay maaaring panahon para sa isang hobby, mahabang pagtulog o pagrerelax, pagpapamasahe, at iba pa. Kung anuman ito, kailangan lamang na mahalaga ito para sa taong tatanggap ng gantimpala.

Nawa’y tayong lahat ay magkaroon ng produktibo, masaya, at pinagpalang ber months ngayong 2023!