(Ngayong holiday season) SUPLAY NG BABOY SAPAT

HIGIT pa sa sapat ang suplay ng baboy para matugunan ang pangangailangan sa merkado ngayong Christmas season, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Ayon kay DA deputy spokesperson Rex Estoperez, dahil mas gusto ng mga consumer na bumili ng sariwang karne, tanging ang mga nagtitinda ng frozen meat ang nag-aalangan na ilabas ang kanilang suplay nang maramihan.

Gayunman ay tiniyak niya na walang pork shortage, lalo na sa nalalapit na Kapaskuhan.

“‘Yung ina-assure natin sa ating mga kababayan, sobra-sobra ‘yung karne ng baboy ngayon. ‘Wag silang mabahala do’n,” aniya.

“Ayun nga lang, kung may frozen at mababa, depende sa inyo kung tangkilikin niyo ‘yun. Kung bagong katay, sa inyo naman ang preference. Pero, wala tayong kakulangan sa karneng baboy lalong lalo na nalalapit ang Pasko,” dagdag pa niya.

Nauna na ring sinabi ng farmers group na Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na may sapat na suplay ng baboy para sa Christmas season kahit tumaas ang presyo nito sa ilang wet markets sa Metro Manila.

Ayon sa SINAG, ang farmgate prices ng live hogs ay nasa P155 hanggang P175 kada kilo.