(Ngayong holiday season) WALANG FARE HIKE

INIANUNSIYO ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na wala na munang taas- pasahe sa mga pampublikong sasakyan hanggang sa pagtatapos ng taong 2022.

Sinabi ni Bautista, ang inaprubahang taas-pasahe sa maraming public utility vehicle (PUV) noong Setyembre ang huling fare hike na pahihintulutan nila ngayong 2022.

“Ngayong holiday season, mas mabuti na hindi na muna tayo magtaas ng pamasahe para madagdagan naman ang pang-shopping ng ating mga pasahero,” pahayag ni Bautista sa isang panayam.

Dagdag pa ng DOTr chief, pinag-aaralan din nila kung sapat o kailangan pang magdagdag ng public utility vehicle (PUV).

Matapos kasi aniya ang dalawang taon dulot ng pandemya, ngayon lang ulit inaasahan na ang mga pasahero ay magsisidagsaan sa mga pampublikong lugar para sa Pasko. EVELYN GARCIA