WEEKDAY MALL SALES IBABAWAL

Mall Sale

PINAG-IISIPAN ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na pansamantalang ipagbawal ang weekday mall sales ngayong holiday season upang maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko.

Sinabi ni MMDA Assistant General Manager Jose Campo sa House Committee briefing kaugnay sa pamamahala ng trapiko ngayong holiday, plano ng MMDA na talakayin sa  mall operators ang pagbabagong gagawin sa  opening hours  upang mapagaan ang trapik sa rush hours.

“On weekends of course wala tayong pasok sa opisina and place of work puwede sila sa mall,” pahayag ni Campo.

Maari umanong payagan  ang mall sales mula gabi ng Biyernes hanggang  Sabado at Linggo.

Naniniwala ang ahensiya na ang pagbabagong gagawin sa  pagbubukas ng  shopping malls  sa Metro Manila ay makababawas  ng bilang ng mga mall-goer,  empleyado at mga sasakyan  sa loob at paligid ng mall.

Tinatayang nasa 300,000 mall employees ang nagtatrabaho sa mga mall sa Metro Manila lamang, batay sa pagtataya ng MMDA.

Suhestiyon ng MMDA ay dakong alas-11 ng umaga buksan ang mall   at ang  deliveries ng mga produkto ay  sa alas-11 ng gabi  hanggang alas-5  ng umaga upang mabawasan ang volume delivery trucks sa kalsada.

Ayon kay Ocampo, ang adjustment sa operating hours ng malls sa Kapaskuhan ay napatunayang epektibo  nang ipa­tupad noong 2018.

Naghahanda na ang ahensiya ng traffic management plan  para sa buong Metro Manila, bilang  paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga sasakyan ngayong  holiday season.

Tinatayang  umaabot sa   405,882 ang volume ng sasakyan  sa Edsa mula Enero hanggang Agos­to  2019  na mas mataas kumpara noong 2018  na nasa  383,828, ayon kay  MMDA. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.