NASA 84,593 bakanteng trabaho ang iaalok sa job fair ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagdiriwang ng Independence Day ngayong Lunes.
Ayon sa DOLE, higit 1,000 employers na dumaan sa pagsasala ang lalahok sa job fair.
May 51 ang venue ng nationwide job fair, kung saan pinakamarami sa National Capital Region na may 12 venue sa Caloocan, Pasig, Marikina, Mandaluyong, Parañaque, Taguig, Las Piñas at Quezon City.
Karamihan sa mga bakanteng trabaho ay magmumula sa business process outsourcing, manufacturing, retail and sales, construction, at financial and insurance activities.
Samantala, ang top job positions na iaalok ay para sa customer service representative, production worker/ operator, sales clerk, cashier, laborer, lineman, financial consultant/advisor, at microfinance officer.
Pinayuhan ng DOLE ang mga aplikante na ihanda ang mga kinakailangang application requirements bago magtungo sa job fair sites.
Ang mga requirements ay kinabibilangan ng resume o curriculum vitae, certificate of employment para sa mga dating may trabaho, diploma, at transcript of records.
Ayon kay Labor Undersecretary Amy Torres, nagre-recover na ang mga kompanya at unti-unti nang nagbubukas ng mga trabaho.
Aniya, kadalasan ay 11 porsiyento ng mga aplikante ang nakukuha o hired on the spot sa mga nakalipas na job fair ng DOLE at target nila itong taasan, lalo’t isa ito sa indikasyon na epektibo ang mga job fair sa pagbibigay ng trabaho sa mga tao.