HINDI gagalaw ang presyo ng Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal ngayong Kapaskuhan.
Ito ang tiniyak ni Asosasyon ng Panaderong Pilipino president Lucito Chavez sa harap ng pagtaas sa presyo ng mga sangkap sa paggawa nito.
Ayon kay Chavez, ang kanilang commitment na mananatili ang presyo ng Pinoy Tasty sa P40 at isang balot ng Pinoy Pandesal sa P25 ay bahagi ng social responsibility ng mga panadero sa pamilyang Pilipino.
Subalit sinabi ni Chavez na ang mga maliliit na panaderya na apektado ang operating expenses ay nanganganib na magtaas ng presyo para maka-survive. Posible rin aniyang tumaas ang presyo ng ibang uri ng tinapay, pastries at cakes dahil na rin sa pagmahal ng raw materials na ginagamit sa paggawa nito tulad ng asukal at itlog.
Gayunman, nanawagan si Chavez sa mga panadero na huwag magtaas ng presyo sa panahon ng Kapaskuhan dahil ito ang karaniwang kinakain ng mga pamilyang Pinoy anuman ang estado nila sa buhay. “Sabi ko nga maging mahirp at mayaman kumakain ng pandesal –para naman mapagsilbihan ng industrya ng pagtitinapay ang mga mallit na masang Pilipino,” ani Chavez.