HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Department of Education (DepEd), Philippine National Police (PNP) at ang Department of Justice (DOJ) na paigtingin ang kanilang mga hakbang kontra cybersex trafficking sa mga kabataan.
Nagbabala si Gatchalian na dahil pinalawig pa ang enhanced community quarantine dahil sa banta ng COVID-19, mas maraming panahon ang mga kabataang magbabad sa internet kaya naman mas nanganganib silang maging target ng mga online traffickers.
Ayon sa senador, itinuring na ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) ang Pilipinas na global epicenter ng livestream sexual abuse trade, kung saan walo sa sampung kabataan ang nanganganib makaranas ng online sexual abuse.
Noong 2018, nakatanggap ang Cybercrime Office ng DOJ ng 600,000 ulat ng mga malalaswang larawan at video ng mga kabataang Filipino. Ito ay mas mataas ng halos isang libong (1,000) porsiyento mula sa mahigit 45,645 naitala noong 2018. Ayon naman sa ulat na “2018 Findings on the Worst Forms of Child Labor” ng United States Department of Labor, ang mga batang biktima ng online trafficking ay binabayaran ng mga customer upang magpakita ng kalaswaan sa mga livestream. Madalas nagaganap ang mga ito sa mga internet cafe, mga pribadong tahanan, at mga cybersex den.
“Bago pa dumating ang banta ng COVID-19, isang hamon na sa atin kung paano natin lalabanan ang online sexual abuse sa mga kabataan. Ngayong mas nakatutok sa internet ang mga bata, kailangan nating palakasin ang mga hakbang upang mabigyan sila ng proteksiyon at mapanagot ang gumagawa ng krimeng ito,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
Hinimok ni Gatchalian ang DepEd na gamitin ang online learning platform nitong DepEd Commons upang magpalaganap ng kaalaman sa mga panganib, pagsugpo, at pag-ulat sa mga kaso ng online sexual exploitation of children (OSEC) .
Maliban sa pagtuturo nito, binigyang diin ni Gatchalian ang mahalagang papel ng mga magulang na siya dapat magbantay sa paggamit ng kabataan sa internet.
Nanawagan din ang senador sa DOJ at PNP na magpalaganap ng kaalaman sa OSEC habang tinutugis ang mga nasa likod ng mga krimeng ito kung saan dapat maging bahagi nito ang buong puwersa ng women and children protection units tulad ng PNP-Women and Children Protection Center at ng NBI-Violence Against Women and Children Desk.
Noong nakaraang taon ay inihain ni Gatchalian ang Senate Bill 735 o ang Human Trafficking Preventive Education Program Act upang ituro sa mga kabataan ang kanilang mga karapatan, ang proteksiyong maaaring magmula sa pamahalaan, at ang mga panganib na dulot ng iba’t ibang anyo ng trafficking, kabilang ang online sexual exploitation. VICKY CERVALES