NASA 20 pang Filipino repatriates mula sa Israel ang darating sa bansa ngayong Lunes, October 23, ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega.
Sinabi ni De Vega na ang 20 returning Filipinos ay caregivers at hotel workers sa Israel.
“Dadating ‘yan ng mga alas-kwatro (ng hapon),” aniya.
Noong Biyernes, October 20, ay dumating ang ikalawang batch ng Filipino repatriates mula sa Israel na kinabibilangan ng 14 caregivers at 4 hotel workers sa gitna ng umiigting na kaguluhan sa pagitan ng Israel at ng militanteng grupong Hamas.
Ang unang batch ng Filipino repatriates mula sa Israel, kabilang ang isang one- month-old infant, ay dumating naman sa bansa noong Oct. 18.
Ayon sa Department of Migrant Workers (, pagkakalooban ng pamahalaan ang mga repatriate ng tulong pinansiyal, gayundin ng iba pang suporta, tulad ng psycho-social counseling, stress debriefing, medical referral, at reintegration services.
Sa kasalukuyan ay apat na Pinoy na ang nasawi sa madugong bakbakan sa Israel, habang nananatiling nawawala ang dalawang iba pa.