TULOY ngayong Lunes, Oktubre 16, ang planong tigil-pasada makaraang kanselahin ng Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers (MANIBELA) ang pakikipagpulong sana nito sa Malacañang Linggo ng hapon.
Ayon kay MANIBELA president Mar Valbuena, personal niyang hiniling ang pagkansela sa pagpupulong dahil sa mga isyu sa ilang tao na tinawag niyang korap.
“May mga taong ayaw maayos ito at baka mabuking ang kanilang mga kalokohan. Tsaka ko na sasabihin [kung sino sila], malapit na. Mga corrupt talaga ito,” sabi ni Valbuena.
“‘Yun lang ang nabalitaan na may meeting, hinarang na. Sangkot siguro ‘to sa anomalya. Kilala ko sila, binanggit sa’kin. Pero hindi ko muna sasabihin… Ako na nag-request na mag-cancel kung ganoon ang isyu nila,” dagdag pa niya.
Ang tigil-pasada ay ikinasa bilang protesta laban sa pag-phase out ng mga jeepney at sa umano’y katiwalian sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Target ng transport strike na maparalisa ang may 600 ruta sa buong Luzon, kung saan 150 jeepney ang apektado kada ruta.
Gayunman, pitong transport groups, kabilang ang Pasang Masda at PISTON, ang hindi lalahok sa strike.
Nitong Sabado ay sinabi ni Valbuena na posible pang makansela ang transport strike kung magkakasundo sila at ang pamahalaan bago mag-Lunes. Kaugnay nito ay ilang local government units (LGUs) at eskuwelahan sa Metro Manila ang nag-anunsiyo na ng suspensiyon ng face-to-face classes ngayong Lunes dahil sa transport strike. Kabilang sa LGUs ang Cabuyao, Laguna; Calamba, Laguna; Santa Rosa, Laguna; at Pampanga.