(Ngayong Martes) NEXT ALERT LEVEL IAANUNSIYO

NGAYONG  araw ng Martes, Marso 15 ay mag-aanunsiyo ang Inter Agency Task Force (IATF) ng susunod na alert level para sa buong bansa.

Ito ang ipinaabot na abiso ng Malacanang na posibleng ilabas Martes ng hapon ang anunsiyo.

Kasabay nito ay ipinaabiso rin ng Palasyo na bukas rin na isasagawa ang Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Duterte na karaniwang ginagawa tuwing Lunes ng gabi.

Dito ay inaasahang ihahayag ang kasalukuyang sitwasyon ng Covid 19 sa bansa at ang mga hakbang ng pamahalaan para paghandaan ang Alert Level 0.

Hanggang Martes tatagal ang alert level 1 sa National Capital Region at 39 na iba pang mga lugar sa bansa.

May nauna na ring pahayag si Department of Health Secretary Francisco Dique III na may iba pang mga lugar ang inaasahang madaragdag na ring mapasailalim sa alert level 1.

Inaasahan na ring iaanunsiyo ng ilang miyembro ng gabinete kay Pangulong Duterte bukas ng gabi ang update hinggil sa usapin na kakambal ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at ang mga kaparaanang ipinatutupad ng pamahalaan para maibsan ang bigat nito sa mga apektadong sektor gaya ng fuel subsidy sa mga pampublikong tsuper at fuel voucher assistance para sa mga mangingisda at magsasaka. BETH C