(Ngayong Mayo) SINGIL SA KORYENTE MAY BAWAS

INANUNSIYO ng Manila Electric Company (Meralco) ang bawas-singil sa koryente ngayong Mayo.

Ito ay kasunod ng kautusan ng Energy Regulatory Commission  (ERC) sa power distributor na isauli ang nasa P7.8 billion na sobra sa koleksiyon.

Ayon sa kompanya, ang overall rate para sa isang typical household ay bababa ng 12 centavos sa P10.0630 per kilowatt-hour (/kWh) mula P10.1830/kWh noong Abril.

Katumbas ito ng P24 rollback sa total bill ng residential customers na kumokonsumo ng 200 kWh, P36 sa kumokonsumo ng 300 kWh, P48 sa 400 kWh consumption, at P60 para sa may konsumo na 500 kWh.

Ang bawas-singil ay sanhi ng direktiba ng ERC sa Meralco na isauli ang kabuuang P7.8 billion kasunod ng  validation ng 3rd Regulatory Period tariffs ng Meralco para sa period na July 2011 hanggang June 2015.

Ang refund ng distribution-related charges ay katumbas ng P0.4669/kWh para sa residential customers.

Makikita ito sa hiwalay na line item sa power bills ng mga customer, ayon sa Meralco.

“As a highly regulated entity, Meralco’s rates are constantly being reviewed to make sure they are fair and reasonable,” sabi ni Atty. Jose Ronald Valles, Meralco head of Regulatory Management.

“The immediate implementation of the ERC’s order more than offset the impact of the increase of the generation charge this month, benefitting Meralco customers,” dagdag ni Valles.

Sinabi ng Meralco na ang generation charge para sa Mayo ay tumaas ng P0.3553 sa P6.2277/kWh mula P5.8724/kWh noong nakaraang buwan.