(Ngayong Mayo) SINGIL SA KORYENTE TATAAS

MAY dagdag-singil sa koryente ngayong Mayo.

Sa abiso ng Manila Electric Company (Meralco), ang singil sa koryente ay tataas ng 46.21 centavos sa P11.4139 per kilowatt-hour (kWh).

Katumbas ito ng pagtaas na P92 para sa residential customers na kumokonsumo ng 200 kWh, P139 sa 300kwh, P185 sa 400kwh at P231 sa kumokonsumo ng 500kwh

Ayon sa Meralco, ang mas mataas na  rates ay dahil sa pagtaas sa generation charges na umakyat ng 44.55 centavos per kWh, sa likod ng mas mataas na halaga mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) at  Power Supply Agreements (PSAs).

Ang singil mula sa WESM ay tumaas ng P1.7913 per kWh, sa gitna ng tight supply conditions sa Luzon Grid noong Abril makaraang tumaas ang demand ng 2,401 megawatts, na nagtulak sa  National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na ideklara ang red at yellow alerts.

Ang singil mula sa PSAs ay tumaas din ng 28.71 centavos per kWh dahil sa mas mababang  excess energy deliveries ng ilang PSAs na may discount ang presyo. Ang presyo ay naapektuhan din ng paghina ng piso na umabot sa 14% ng dollar-denominated PSA costs.

Nagtala rin ang transmission charges, taxes, at other charges ng net increase na 1.66 centavos per kWh, habang sinabi ng Meralco na ang kanilang distribution charge ay hindi nagbago sa 3.60 per kWh, na umiiral magmula pa noong August 2022.