NAGLABAS ng kautusan si Philippine National Police (PNP) Chief General Rodolfo Azurin Jr. sa mga tauhan ng 17 police regional offices sa bansa upang lalo pang paigtingin ang kampanya kontra illegal firecracker factories at establishments maging sa illegal online sellers.
Target ngayon ng PNP na makapagtala ng “zero casualties” sa nalalapit na pagdiriwang ng Kapaskuhan at pagsalubong sa Bagong Taon.
Inihayag ito ni Azurin kasunod nang isinagawa nitong inspeksyon sa ilang tindahan ng mga paputok sa Bulacan para maisulong ang target nilang zero firecracker-related incidents ngayong holiday season.
Maging ang PNP anti-cyber-crime group ay inatasan na paigtingin pa ang kanilang cyber patrolling para masugpo at madakip ang mga nagbebenta ng paputok lalo na ang mga gumagamit ng social media.
Sa isinasagawang inspeksyon ni Azurin sa mga tindahan at pagawaan ng paputok sa Bocaue, Bulacan, iginiit nito na mahigpit na ipinagbabawal ang lahat ng uri ng firecracker na gawa sa ibang bansa.
Aniya, may mga impormasyon silang natanggap na ginagawa ng mga supplier galing sa China ang mga paputok at dito sa bansa binabalot para palabasin na made in the Philippines ang mga ito.
Bukod pa ito sa mga ipinagbabawal na mga firecracker at pyrotechnic products na lagpas sa itinakdang timbang at laki maging ang mga walang tatak kung sino ang manufacturer.
Kada taon na lamang kasi kasabay nang pagsalubong sa bagong taon ay marami ang napuputukan lalo na ang mga bata.
Kasunod nito, muling nagpaalala ang PNP hinggil sa mga firecracker na maaari lamang ibenta alinsunod na rin sa RA 7183 at EO 28.
Base rin sa batas bawal ang mga paputok tulad ng Watusi; Piccolo; Five Star; Pla-pla; Lolo Thunder; Goodbye Philippines; Goodbye Delima; Bin Laden, -Goodbye Bading’ Goodbye COVID, Kwiton Parachute, Kwiton Bomb, Kabasi, Special Pla-pla, Atomic at Coke in Can at iba pa.
Ang pagbebenta ng firecrackers sa labas ng designated firecracker zones ay mahigpit na ipinagbabawal at ang lalabag ay mahaharap sa kaparusahan.
Paalala pa ng PNP sa publiko na manood lamang sa community firework displays area sa kani-kanilang barangay at bawal na magpaputok sa mga bahay-bahay para iwas aksidente. VERLIN RUIZ/EUNICE CELARIO