NGAYONG SIMULA NA ANG GCQ

SIMULA  kahapon ay nalagay na sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila. Mayroong mga natutuwa na mas maluwag nang kaunti ang sitwasyon kaysa sa dating enhanced community quarantine (ECQ), ngunit nag-aalala ang ibang sektor, lalo na ang mga medical frontliners, dahil nasa high-risk pa rin ang NCR at patuloy pa rin ang pagtaas ng daily cases ng COVID-19 sa bansa.

Inamin naman ng pamahalaan na nahihirapan itong balansehin ang pangangailangang pang-ekonomiya ng ordinaryong manggagawa at mga negosyante, at ng mga miyembro ng sektor pangkalusugan. Sa paglalagay ng Metro Manila sa GCQ, maaaring mas dumami pa ang kaso dito sa atin at mahirapan pang lalo ang mga ospital, mga doktor, at iba pang medical frontliner. Kulang na ang ICU beds at mga kwarto sa maraming ospital, pati na ang espasyo sa mga emergency room. Kulang na rin ang ating mga medical frontliner at marami pang umaalis sa trabaho.

May pagkakaiba ang GCQ natin ngayon dahil mayroong tinatawag na granular lockdown na ipapatupad.

Ibig sabihin, magkakaroon ng mga small-scale na lockdown sa mga lugar na may mataas na kaso ng sakit.

Labing-apat na araw tatagal ang mga granular lockdown na ito, at ang mga maaari lamang maglabas-pasok sa mga lugar na nasa ilalim ng granular lockdown ay ang mga sumusunod: mga OFW na lalabas ng bansa o uuwi sa kanilang tahanan, ang mga taong nakatira sa loob ng lugar kung saan may granular lockdown, yaong nangangailangan ng atensyong medikal, at ang mga taong nagdadala ng pagkain at iba pang mahalagang suplay. Bibigyan umano ng mga food stub ang mga pamilyang apektado ng mga lockdown na nabanggit.

Ibayong ingat pa rin sa lahat sa bahagyang pagbubukas na ito ng ating siyudad. Tandaan nating nariyan pa rin ang virus, at lubhang nakakahawa ang Delta variant. Kung may pagkakataong makapagbakuna, nais kong ipaalalang muli sa mga wala pang bakuna na kunin na ang pagkakataon sa lalong madaling panahon.

Comments are closed.