UMABOT sa mahigit 7,000 overseas Filipinos ang na-repatriate ngayong taon bilang bahagi ng mga pagsisikap ng administrasyong Marcos na mapabuti ang pagtugon sa pangangailangan ng mga Pinoy na nasa ibayong-dagat.
Batay sa datos ng Department of Foreign Affairs (DFA), sinabi ng Palasyo na aabot sa kabuuang 7,880 overseas Filipinos ang napauwi sa bansa mula Enero hanggang Nobyembre, sa pangunguna ng Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs (OUMWA).
Sinabi ng ahensiya na 57.67% ng kabuuang bilang ay mula sa Middle East kung saan 942 ang overseas Filipinos at distressed overseas Filipino workers (OFWs) mula Kuwait, habang 70 naman ay mula sa Sri Lanka.
Nakapag-isyu rin ang DFA ng kabuuang 3,589,620 passports mula noong Enero hanggang Oktubre ngayong taon at nakapagbukas din ng karagdagang anim na temporary off-site passport services facilities.
Hanggang nitong Nobyembre, nakapaglabas din ang ahensiya ng 55,574 visas at 551,635 apostille certificates.
Pagdating naman sa bilateral engagements, lumagda rin ang pamahalaan ng mga kasunduan para sa defense, culture, counterterrorism, trade at investment, technology at data protection, gayundin ang migrant workers protection.
DWIZ 882