(Ngayong Undas) MGA SUNDALONG NAGBUWIS NG BUHAY ALALAHANIN

KASABAY sa paggunita ng Todos Los Santos at All Souls’ Day ay pinaalalahanan ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief Gen. Romeo Brawner Jr. ang mga Pilipino na sana ay alalahanin din at gawaran ng parangal o pagkilala ang mga nasawing sundalo na gumawa ng sukdulang sakripisyo sa paglilingkod sa bayan.

Ayon kay General Brawner, gamitin ang pagkakataong ibinigay ng mga bayani upang muling buhayin ang kanilang pangako na patuloy na paglingkuran ang bayan.

Sinabi ni Brawner na bukod sa pagpapatibay ng pananampalataya, ang buhay ng magigiting na mandirigmang sundalo ay magsisilbing inspirasyon para sa lahat.

Samantala, kaisa ang buong Hukbong Sandatahan ng sambayanang Pilipino sa paggunita ng Todos Los Santos kasabay ng pag -anyaya para parangalan ang lahat ng mga santo, kilala man o hindi kilala, at ipagdiwang ang buhay ng mga yumaong mahal sa buhay.

Una nang sinabi ni Army commander Lt. Gen. Roy M. Galido na ang Philippine Army ay kaisa ng mga Pilipino sa pag-alala sa buhay at impluwensya ng mga bayaning Pilipino, lalo na ang mga nasawing sundalo para sa Todos Los Santos. VERLIN RUIZ