NGBL: MALINIS NA MARKA ITATAYA NG PERPETUAL VS UE

SISIKAPIN ng University of Perpetual Help System DALTA na manatiling walang dungis sa pagharap sa University of the East sa pagpapatupoy ng aksiyon sa Next Generation Basketball League (NGBL) ngayong Sabado.

Nakatakda ang salpukan ng Junior Altas, may 3-0 kartada sa Group A, at Junior Warriors sa alas-9 ng umaga sa Aero Center Gym sa Quezon City.

At para kay Perpetual HS head coach Jeoph Cleopas, ang susi sa pagwawagi ay ang pag-stick sa balanced approach na itinuturo niya at ng kanyang staff sa kanyang tropa.

“We still have a lot to learn, and we need to stick to our fundamentals. We need to avoid starting slow, but overall, I believe that everyone from the boys can step up,” aniya.

Sa ikalawang laro sa alas-11 ng umaga ay magsasagupa ang Lyceum of the Philippines University at Arellano University sa isang NCAA affair.

Sa huling laro sa ala-1 ng hapon ay target ng Jose Rizal University ang ikalawang sunod na panalo sa pagsagupa sa Xavier.

Tatampukan naman ng salpukan ng Colegio de San Juan de Letran at University of Santo Tomas ang mga laro sa Linggo.

Magsasalpukan ang sister schools sa alas-11 ng umaga sa Tanduay Gym sa Manila kung saan target nila hindi lamang ang manatiling walang talo sa Group B kundi ang makuha rin ang bragging rights laban sa kanilang kapwa Dominican institution.

Gayunman, para kay Squires head coach Willie Miller, ang pinakamahalaga ay kung paano magiging consistent ang kanyang tropa sa magkabilang dulo ng court hanggang sa final buzzer, lamang man sila o naghahabol.

“‘Di nagdedere-deretso ‘yung intensity ng team namin lalo sa depensa. Then ang problema naman sa opensa, pag wala yung main scorers, ‘di nae-execute ‘yung play. Nag re-rely sa one-on-one yung mga players,” wika ng two-time PBA MVP patungkol sa kanyang koponan na haharap sa isang Tigers Cub team na pinangungunahan ni Racine Kane na nagpasabog ng 26 points at 20 rebounds sa kanilang huling laro kontra Arellano University.

Ang Sunday games ng NGBL ay bubuksan ng Mapua University at Ateneo de Manila University sa alas-9:00 ng umaga, at isasara ng sagupaan sa pagitan ng La Salle Greenhills at Xavier School sa ala-1 ng hapon.