NGCP NASA SENTRO NG KONTROBERSIYA DULOT NG KAWALAN NG KORYENTE

NGAYON naman, ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang nasa sentro ng balita at batikos dahil sa kamakailan na kawalan ng suplay ng koryente sa Metro Manila.

Alam naman natin na mas nagiging tampok ang balita kung nangyayari ito sa Metro Manila. Kung sa dakong Visayas o Mindanao nangyari ang mga brownouts, aba’y malamang ay hindi gaano kabigat ang galit ng mga mambabatas sa isyung ito. Hindi kasi sila direktang perwisyo sa kawalan ng koryente. Nagpapakatotoo lang naman ako.

Kaya naman naghain ng Senate Resolution No. 607 si Senator Sherwin Gatchalian upang imbestigahan ang sunod-sunod na “power transmission system disruptions” sa ating bansa. Ayon sa resolusyon, ito ay “to conduct an inquiry, in aid of legislation, on the successive electrical transmission system disturbances with the end view of ensuring reliable and continuous electric power supply in the country.”

Para kay Gatchalian, ang mga sunod-sunod na brownouts ay nakaaapekto sa pamumuhay ng ating mga kababayan at kawalan at pagkalugi ng mga negosyante. Sinisisi niya ang NGCP, na siyang may hawak ng prangkisa sa pag-operate ng transmission system sa bansa.

Para lang sa kaalaman natin, ang NGCP ay nagsisilbing tagapaghatid ng koryente mula sa mga nagsusuplay ng koryente na mag power plants papunta sa mga distribution utilities tulad ng Meralco at sa mga electric cooperatives.

Para silang mga operators ng ating mga expressways na nagbabayad tayo upang mabilis at maginhawa ang ating pagmamaneho papunta sa lalawigan.

Dagdag pa ni Gatchalian na siyang vice chair ng Senate energy committee, na bukod sa naranasan ng mga taga-Metro Manila at mga karatig-lalawigan, nagkaroon din daw ng brownout sa Visayas grid na nagkaroon ng biglaang kawalan ng serbisyo ng koryente na umabot sa 12 oras sa lugar ng Panay, Guimaras at sa Negros.

Malaki at malawak ang kaalaman ni Gatchalian sa industriya ng enerhiya. Kaya naman agad na humingi ng imbestigasyon sa isyung ito.

Pati na rin ang mga ibang mambabatas ay sumakay na rin dito at pinaiimbestigahan ang banyagang kasosyo sa NGCP. Nagbigay ng kani-kanilang pahayag sina Sen. Poe, Ejercito at Hontiveros na lahat ay binabatikos ang kapalpakan ng NGCP.

Ang NGCP kasi ay 40 percent na pag-aari ng State Grid Corp. of China (SGCC). Samantalang 60 percent ay mula sa mga Pilipinong negosyante na pinangungunahan nina business tycoons Henry Sy Jr. at Robert Coyiuto Jr.

Ang NGCP kasi ay isang pribadong korporasyon. Sila ay binigyan ng prangkisa sa loob ng 50 taon upang patakbuhin ang transmission ng koryente sa buong Pilipinas.

Subalit hindi ibig sabihin na kahit na hindi maganda ang serbisyo nila ay nakasisiguro sila na hawak nila ang prangkisa nito ng ganoong katagal. Ang prangkisa kasi ay isang pribilehiyo na ibinibigay ng estado sa isang pribado.

Dahil ito ay ibinigay ng estado, maaari rin nilang bawiin ito. Kaya malaking hamon ito sa NGCP upang ipaliwanag sa ating mga mambabatas kung bakit hindi dapat bawiin ng estado ang kanilang prangkisa.