SASAMPAHAN ng kasong kriminal ang mga opisyal ng National Housing Authority (NHA), mga kontratista at iba pa na dawit sa palpak na housing project ng pamahalaan.
Ayon kay Senador JV Ejercito, chairman ng Senate Committee on Urban Planning and Housing, maaaring higit P30 bilyon ang nasayang sa mga proyektong pabahay na dapat sana ay para sa mga nasalanta ng mga bagyo at kalamidad, at para rin sa mga pulis at sundalo.
Base sa pagdinig ng komite, naglaan umano ang pamahalaan ng P66.45 bilyon para sa 232, 896 permanenteng pabahay para sa mga sinalanta ng bagyong Yolanda, Pablo at Sendong at nawalan ng bahay dahil sa Zamboanga seige noong 2013.
Napag-alaman sa mismong report ng NHA, hanggang noong Marso 31, ang naipagawa lang ay 115,506 o 49.6%, mula sa bilang na ito, 45.64% o 52.717 lang ang okupado.
Hindi umano matirahan ang mga bahay dahil mahina at tinipid ang materyales at nakatayo sa delikadong lugar.
Ayon sa senador, may P20 bilyon ding inilaan sa pabahay para sa mga pulis at sundalo, pero 13% lang ang akupado dahil marami rin umanong palpak.
“Hindi ito lulusot kung walang sabwatan,” ani Ejercito. VICKY CERVALES
Comments are closed.