TODO kayod ang mga tauhan ng National Irrigation Administration (NIA) makaraang maapektuhan ng 7.0 magnitude earthquake kamakailan ang ilang irrigation projects sa bahagi ng norte.
Sinabi ni NIA Acting Administrator Benny Antiporda na tuloy tuloy ang pagserbisyo ng mga tauhan upang maiwasan ang tuluyang pagkasira ng iniingatang irrigation projects.
“Double time ang ating mga ipinakalat na tauhan para makumpuni ang ilan nating proyektong patubig na naapektuhan ng lindol,” saad ni Antiporda.
Batay sa datos ng NIA, nagkaroon ng pinsala ang may 26 irrigation projects mula sa Cordillera Autonomous Region (CAR) na nagkakahalaga ng kabuuang P228,330,000 habang 1 naman ang naitalang irrigation project na nagkaroon ng damage sa Region 1 na may halagang P15,000,000.
May kabuuang P243,330,000.00 ang pinsala sa may 3,167.50 affected areas na kasalukuyang tinututukan ng naturang ahensiya.
Kasamang humarap sa media si Deputy Administrator for Engineering and Operations Sector C’zar M. Sulaik na abala rin sa pagsasaayos ng nasirang irrigation projects.
Nakatakda ring magsagawa ng ocular inspection si Antiporda sa bahagi ng Pantabangan Dam sa Nueva Ecija at Magat Dam sa Isabela upang masigurong ligtas at matibay ang mga naturang dam na hindi naapektuhan ng malakas na lindol. BENEDICT ABAYGAR, JR.