POSIBLENG maging self-sufficient na ang Pilipinas sa bigas sa 2028 o sa pagtatapos ng termino ng administrasyong Marcos, ayon sa National Irrigation Administration (NIA).
Sa panayam sa Super Radyo dzBB, sinabi ni NIA acting administrator Engr. Eduardo Guillen na kabilang sa kanilang mga plano para magkaroon ng katuparan ang layuning ito ay ang pagtatayo ng mga dam — kapwa reservoir at diversion types– kung aaan binigyang-diin niya ang pangangailangan para sa sapat na suplay ng tubig.
“Confident ako na by siguro mga 2028, rice sufficient na tayo dahil sa ating maidaragdag na area for irrigation,” aniya.
Magugunitang inihayag ng Department of Agriculture (DA) noong Abril ng nakaraang taon na target nito ang 100% self-sufficiency sa bigas sa 2027, sa pamamagitan ng Masagana Rice Program 2023-2028 nito.
Layunin ng Masagana Rice Program na mapatatag ang suplay ng bigas ng bansa mula 24.99 million metric tons (MT) hanggang 26.86 million MT, mapababa ang rice inflation sa wala pang 1% taon-taon, mapataas ang kita ng mga magsasaka ng 54%, at matiyak ang rice availability at safety sa lahat ng pagkakataon sa pamamagitan ng pagpapanatili ng sapat na rice buffer stock sa DA-National Food Authority (NFA) tulad ng minamandato ng Republic Act No. 11203 o ang Rice Tariffication Law.
Hinggil sa mga nakaambang epekto ng El Niño, sinabi ni Guillen na ipaprayoridad ng NIA ang pagbibigay ng sapat na tubig sa mga magsasaka para makapagprodyus ng bigas.
Sa kabila nito, binigyang-diin ni Guillen na magiging sapat ang bigas para sa mga Pilipino sa gitna ng El Niño dahil sa ginawa nilang mga paghahanda para rito.
“Confident akong magsasabi na ‘yung production area ng NIA ngayong El Niño, ay tataas pa ang production namin ng palay,” sabi pa niya.