NAGPALIWANAG ang National Irrigation Administration-Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) Magat Dam sa kanilang naging paghahanda para sa bagyong Ulysses kasunod ng samut saring batikos na kanilang natanggap mula sa mga mamamayan dahil sa malawakang pagbaha sa mga lalawigan ng Isabela at Cagayan.
Nilinaw ng NIA-MARIIS officials na gamit ang tri-media ay binalaan nila ang mga residente na naninirahan sa mga low-lying areas lalo na ang mga nasa malapit sa Magat River at Cagayan River na lumikas sa mas mataas na lugar simula Nobyembre 9 bago pa ang pananalasa ng bagyong Ulysses.
Ayon sa pamunuan ng NIA, kailangan ang ginawa nilang pagpapakawala ng tubig para huwag maabot ng dam ang critical level nito na 193 msl na maaring makompormiso ang structural integrity nito at maaaring ang resulta ng delubyo sa mga kalapit na munisipalidad at mas malakas na impact o malawakang pagbaha sa Region II.
Paliwanag pa ng NIA-MARIIS na ang Magat River ay isa lamang sa 18 river tributaries ng buong Cagayan River basin. Kumpara sa ibang River Systems, tanging ang Magat River ang may kakayahan makapigil o makaantala ng pagbugso ng flood water sa pamamagitan ng Magat Dam.
Ayon kay Engr. Wilfredo Glloria, ang Department Manager ng NIA MARIIS, sinabi niya na nasunod ang protocol sa pagpapalabas ng tubig mula sa kanilang water reservoir.
Nilinaw nito na tatlong araw bago ang pagdating ng bagyo ay nagsasagawa na sila ng pre release o maagang pagpapalabas ng tubig bilang paghahanda sa idudulot na ulan ng bagyo.
Aniya, ikasiyam pa lamang ng Nobyembre ay nakapag-release na sila sa koordinasyon ng PAGASA na siyang nakakaalam kung gaano ang intensity o volume ng tubig na dala ng bagyo.
Dalawang unit na may kabuuang apat na metrong lawak ng spillway gate ang kanilang binuksan kasabay ng pagpapakalat ng advisory o notices sa mga awtoridad at mga mamamayan.
Napanatili umano ito hanggang sa Nobyembre 11 kung saan nanalasa ang bagyo sa bansa.
Madaling araw ng Nobyembre ay tumataas na ang inflow ng tubig sa dam kaya kinailangan na nilang magdagdag ng spillway gate para mapanatili ang normal na lebel ng tubig.
Alas-7:00 ng umaga na aniya sila nagsimulang magbukas ng karagdagang spillway gate dahil sa laki ng lebel ng tubig na pumapasok sa reservoir at wala na silang magagawa pa kundi buksan ang pitong unit ng gate at napanatili ito hanggang ikalabintatlo ng Nobyembre.
Nobyembre 13 ay pababa na ang lebel ng tubig kaya unti unti na rin silang nagsara ng ilang metro sa opening ng gates hanggang sa kasalukuyan na dalawang unit na lamang ang bukas.
Ayon pa kay Engr. Gloria, hindi sila nagkulang sa pagbibigay ng paalala o advisory sa mga kinauukulan at sa mamamayan kaugnay sa Magat Dam na siyang catch basin ng 4,143 square kilometers na watershed at walong upstream rivers na kinabibilangan ng Alimit, Lamut, Ibulao sa Ifugao Province at Abian, Matuno, Sta. Cruz, Marang, Sta. Fe river sa Nueva Vizcaya.
Dahil sa Magat Reservoir at Magat Dam na kumokontrol sa pagdaloy ng tubig mula sa mga ilog ay nababawasan hindi man mapigilan ang flash flood at mga pagbaha sa mga low-lying areas na maaring lumikha ng mas malaking pinsala.
Kaugnay nito ay nanawagan si NIA Administrator Ricardo R. Visaya at NIA-MARIIS sa mga residente na maging alisto at paghandaan ang mga hakbangin laban sa landslides at flashfloods. VERLIN RUIZ
Comments are closed.