AABOT sa P500 million ang kailangang pondo para sa pagpapatibay o retrofitting sa 48- anyos na Magat dam na bumabagtas sa lalawigan ng Ifugao at Isabela.
Ayon sa National Irrigation Administration (NIA) dahil sa mga paglindol na tumama sa hilagang Luzon ay kinakailangan na mapatibay ang Magat Dam.
Sinabi ni NIA Administrator Eduardo Guillen, aabutin ng isang taon ang gagawing retrofitting ng Magat Dam oras na sinimulan ang proyekto.
Aniya, maraming umaasa sa Magat Dam, lalo na ang mga magsasaka at Irrigators Association para sa kanilang patubig.
Nagtulong-tulong na ang iba’t ibang ahensya para pondohan ang gagawing retrofitting, at isa aniya sa nagbigay ng tulong si Senadora Imee Marcos.
Ang Magat Dam ay matatagpuan sa Ilog Magat, sa pagitan ng bayan ng Alfonso Lista, sa lalawigan ng Ifugao at bayan ng Ramon sa Isabela.
VERLIN RUIZ