LAGUNA – “Ang sino man na magiging dahilan ng pagkaantala ng mga proyekto ng gobyerno partikular ang National Irrigation Administration (NIA) ay papatawan ng kaukulang parusa.”
Ito ang mariing pahayag sa kanyang mensahe ni kasalukuyang NIA Administrator Retired Gen. Ricardo Visaya sa harap ng pamunuan ng NIA Region 4A, mga lokal na opisyal, iba’t ibang sektor ng lipunan at maraming bilang ng mga magsasaka sa idinaos na ikaapat na Stakeholders Forum sa Montevista Resort, lungsod ng Calamba, kamakalawa ng umaga.
Dumalo sa naturang pagtitipon ang may 239 na bilang ng mga stakeholders, opisyales at miyembro ng Laguna Farmers Association na nagmula pa sa una at ikaapat na distrito ng Lalawigan, pamunuan ng 202nd Unifier Brigade Philippine Army (PA) kabilang ang Laguna Mayors sa pamumuno ni Mayors League President Sta. Maria Municipal Mayor Atty. Tony Carolino.
Sinabi pa ni Visaya na kailangan aniyang mapabilis ang lahat ng kanilang mga proyekto kaugnay aniya ito ng “Build Build Build” program ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan lumilitaw sa kanilang talaan na marami aniyang naantalang proyekto sa iba’t ibang rehiyon noong nakalipas na mahigit na 10 taon kung saan nangangailangan na ito ng mabilisang rehabilitasyon.
Ayon pa rin sa kanya, ginagawa aniya ng mga ito ang naturang programa dahil ang impresyon ng mga mamamayan noon sa NIA ay maraming korapsiyon.
“Maging transparent at makita nila ang tunay na pagbabago ng NIA kabilang ang patuloy na pagsasaayos namin ng mga Irrigation Facilities para mataas ang efficiency ng deliver ng tubig,” dagdag pa ni Visaya.
Nakatuon din aniya ang mga ito sa kapakanan at serbisyong ipagkakaloob ng mga ito sa maraming magsasaka kabilang ang nakalaan nilang magagandang proyekto na magiging kapaki-pakinabang sa mga ito, ani Lopez.
Kabilang sa tinalakay ng mga magsasaka ang patuloy na isinasagawa umanong paghuhukay (Quarrying Operation) sa Lapad River sa kabila ng naghain na ang mga ito ng kaukulang reklamo sa Provincial Environment and Natural Resources (PENRO) dahil patuloy na maaapektuhan ang suplay ng tubig sa limang bayan ng ikaapat na distrito.
Kaugnay nito, kabilang sa idinaos ang Covenant Signing sa pagitan ng pamunuan ng NIA, magsasaka, stakeholders at iba pang opisyal. DICK GARAY
Comments are closed.