NIGERIAN TIMBOG SA P17.250-M SHABU

CAVITE – ARESTADO ang isang Nigerian drug courier nang makumpiskahan ng P17.250 milyong halaga ng shabu sa inilatag na anti-illegal drug operation ng pinagsanib na puwersa ng PDEA RO IVA RSET2/RSET1, PDEA-Cavite PO, RDEU-4A at General Trias MPS sa bahagi ng Palmdale Village, Governor’s Hill Subd. Phase 2, Brgy. Biclatan sa General Trias City kamakalawa ng umaga.

Isinailalim sa tactical interrogation ang suspek na si Ebuka Ezika y Valentine na 3 taon nang naninirahan sa Block 8 Lot 34 Palmdale Village sa nasabing lungsod at namamasukan sa isang pribadong kompanya sa Malate, Manila.

Ayon kina PDEA agent Jomar Luis Figueroa at Ramon Jezril Tami-ing, nasamsam sa suspek ang 500 gramo ng shabu, isa pang plastic na naglalaman ng 1000 gramo ng shabu, weighing scale, plastic bags, scissor, laptop, 3 cellphones at 4 identification cards.

Sa police report mula sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus City, isinailalim sa masusing survillance at pagmomonitor ang kilos ng suspek kaugnay sa drug trade na kaagad naman nagpositbo kaya inilatag ang buy-bust operation bandang alas-9 ng umaga ng Sabado.

Tumanggi naman magsalita ng suspek kaugnay sa nasamsam na illegal drug na pina-chemical analysis sa provincial crime laboratory kung saan nakatakdang ipa-inquest sa Cavite Provincial Prosecutors Office. MHAR BASCO