NIGHT OUT FASHION IDEAS

FASHION IDEAS

MARAMI sa atin ang mahilig pumorma at maglakwatsa. Nagsasaya para mawala ang pagod kasama ang kaibigan, kakilala, kapamilya at katrabaho.  Nakapapagod na rin naman iyong puro trabaho lang tayo at hindi tayo naglalaan ng panahon sa ating mga sarili.

Pero kasabay ng paglalakwatsa at pagsasaya natin, hindi puwedeng mawala ang pagporma. Siyempre, mahalagang swak o maganda ang ating outfit.

Minsan nga naman ay napakahirap mag-isip ng swak na suotin kapag lalabas sa gabi kasama ang mga kaibigan o katrabaho. Marami pa naman sa atin na sa office mang­gagaling at hindi sa bahay.

Kaya naman sa mga magtutungo muna sa opisina para magtrabaho at saka lalabas sa gabi para magsaya, narito ang ilan sa mga fashion ideas na swak suotin sa night out at puwede rin namang pang-office:

MAXI DRESS AT BLAZER

FASHION IDEASMarami nga naman sa atin ang mahilig sa maxi dress. Maganda itong tingnan, kompor­table at bagay sa kahit na anong okasyon. At para naman maging swak ito sa night out, maaari itong patungan ng blazer. Isa rin naman ang blazer sa hindi nawawala sa mga nag-oopisina. Kaya’t hindi ka na nga naman mahihirapan pang maghanap ng nasabing outfit.

Kung malamig nga naman ang panahon, isa sa magandang suotin ang maxi dress na pinatungan ng blazer. May dalawang klase rin naman ang pagsusuot ng blazer: una, ay ang suotin ito kagaya ng ginagawa ng karamihan, at ang ikalawa naman ay ang pagpatong lang nito sa balikat.

Kumbaga, hindi mo talaga ito isusuot kundi ipapatong lang sa balikat nang hindi ka malamigan. Hindi lang din ito pamprotekta sa lamig kundi pampaganda ng porma.

WHITE BLOUSE AT HEELS

Isa ang heels at white blouse sa hindi nawawala sa ating mga closet.

Kaya naman, kung mayroon ka nito at may lakad ka o date sa gabi, puwedeng-puwede mo itong suotin.

Kahit na simple lang ang blouse mo basta’t ternuhan mo lang ng magandang heels, okey na okey na ang porma mo.

BOOTS AT STATEMENT COAT

Hindi lang naman sa ibang bansa kinahihiligang isuot ang boots, swak na swak din ito sa Pinas lalo na kapag malamig ang panahon. Marami na rin ang nahihilig magsuot nito. Komportable nga naman ito at maraming binabagayan.

Kumbaga sa skirt man, short, pants at dress, swak na swak itong ipares. Lalo pa itong gaganda kapag sinamahan mo ng statement coat.

FLATS AT JEANS

Marami sa atin ang nahihilig magsuot ng jeans at flats. Hindi rin pahuhuli ang outfit na ito lalo na kapag gabi dahil puwedeng-puwede mo itong suotin.

Samahan lang ang outfit na ito ng jacket at puwede ka nang ru­mampa kasama ang mga kaibigan mo.

LEATHER PANTS AT TOP

FASHION IDEASKung gusto mo namang maging simple lang, isa naman sa swak suotin ay ang leather pants na tenernuhan ng kahit na simpleng top lang. Sa mga tinatamad nga naman mag-isip ng susuotin o gusto lang maging simple para hindi tawag-pansin, swak sa iyo ang leather pants at top. Para naman magkaroon ng da­ting ang simpleng outfit, magdagdag lang ng accessories. Puwede ang earrings o kaya naman necklace. Kung hindi ka naman mahilig sa necklace, pasok din ang bangles. O kaya naman, sombrero.

JUMPSUIT

Kung may isa man akong kinahihiligang suotin, iyan ang jumpsuit. Komportable rin kasi ito at napakadali lang suotin. Bagay na bagay rin ito sa kahit na anong okasyon. Puwede rin itong ternuhan ng flats o kaya naman heels.

Ang kagandahan pa ng outfit na ito, sexy itong tingnan at nakatatangkad. Puwede ring i-partner dito ang leather jacket.

TIGHTS, OFF-SHOULDER TOP AT SCARF

Tights, isa rin ito sa kinahihiligan ng marami. Gayundin ang off-shoulder top. Pansinin na lang natin ang mga kababaihan ngayon, karamihan ay nahihilig sa off-shoulder at tights.

Maganda ring kombinasyon ang tights at off-shoulder. Bukod sa nakatatangkad ay nakapapayat pa itong tingnan. Kaya naman, swak din itong suotin kapag  may lakad ang barkada mo sa gabi.

Samahan lang ang outfit na ito ng scarf para may panangga sa lamig at puwede ka nang makipag-bonding sa mga kaibigan mo.

Lahat naman ng damit ay maaari na­ting suotin sa paglabas sa umaga man o gabi.  Basta’t maging creative ka lang, tiyak na mamumukod-tangi ka sa iyong pupuntahan. At siyempre, isa sa hindi mo dapat kalimutan ay ang tiwala sa iyong sarili. Dapat din ay komportable ka sa suot mo.

Dahil lahat ng outfit, gumaganda at namumukod-tangi lalo na kung may tiwala ka sa iyong sarili at komportable ka sa pagsusuot nito. CS SALUD

Comments are closed.