MAYNILA – ITINULOY na ng pamahalaan ang total ban sa deployment ng overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, nilagdaan na ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang resolution para sa total deployment ban ng mga OFW sa Kuwait.
Sakop ng total deployment ban ang lahat ng mga newly-hired worker, mula household worker hanggang sa mga skilled worker at professional.
Hindi kasali sa ban ang mga balik-manggagawa.
Bunsod umano ito ng resulta ng autopsy na isinagawa ng National Bureau of Investigation sa domestic helper na si Jeanelyn Villavende, kung saan, bukod sa pambubugbog, nakitaan siya ng mga indikasyon ng sexual abuse.
Namatay si Villavende sa kamay umano ng kaniyang employer, na ngayon ay nasa kustodiya ng awtoridad sa Kuwait.
Nauna nang pinagdudahan ni Bello ang kredibilidad ng autopsy report ni Villavende sa Kuwait, na nagsasaad na namatay ang Pinay dahil sa physical injuries.
Noong 2018, nagbaba ang Filipinas ng deployment ban sa Kuwait kasunod ng serye ng mga ulat ng mga pang-aabuso sa mga OFW roon, kabilang ang kaso ni Joanna Demafelis, na natagpuang patay sa loob ng freezer.
Inalis lamang ang ban nang lumagda sa isang memorandum of agreement ang Filipinas at Kuwait para sa proteksiyon ng mga OFW. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM