LUMAGDA sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang lokal na pamahalaan ng Pasay at ng Department of Transportation (DOTr) sa pakikipagtulungan ng SM Prime Holding Incorporated (SMPHI) para sa konstruksyon ng Integrated Pasay Monorail at ng EDSA-Tramo Flyover Extension Project.
Sa pangunguna ni DOTr Secretary Art Tugade at Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ay naisakatuparan ang paglagda sa MOA na itinuturing na isang milestone o mahalagang yugto sa istratehikong proyektong ito na ginanap sa Conrad Manila kamakailan lamang kasunod ng matagumpay na joint presentation ng Pasay LGU at SMPHI.
Ayon kay Calixto-Rubiano, ang proyekto ay magiging integrated at interoperable sa maraming iba pang modes of transport, kabilang ang LRT-1, MRT-3, EDSA Busway, at EDSA Greenways.
“Dalawang linggo ang nakaraan ay nagkaroon ako ng pagpupulong kay Sec. Tugade kung saan nabanggit ko ito at ang sagot niya ay walang problema. I am a living witness na siya ay aksyon agad,” anito.
Sinabi rin ng alkalde na nakasaad din sa MOA na kanilang nilagdaan, ang mga empleyado, trabahador at mallgoers ay mas madaling makararating sa Bay Area na sentrong distrito ng mga negosyo sa lungsod sa pamamagitan ng itatayong monorail.
“Nakita ko na ang isang hangarin dito – palawigin ‘yung trapiko, alisin ‘yung congestion, at gawing kaaya-aya ang pagbiyahe dito sa lugar ng Pasay, lalo’t higit kung dadaan ka sa mga chokepoints — chokepoint ng Taft at chokepoint ng Diokno Boulevard. Kaya nandirito ako to give my full endorsement,”ayon naman kay Tugade,
Sinabi din ni Tugade na kanyang sinusuportahan ang agarang konstruksiyon ng monorail at ang paglagda sa MOA sa pagitan ng DOTr at ng Pasay LGU ay nagpapatibay ng pagtugon upang mabigyan ang mga mananakay na pasahero ng mas kombinyente at komportableng pamamaraan ng paglalakbay.
Ang proyekto ng monorail ay idinisenyo upang maibsan ang trapiko na magreresulta ng mas komportable, sigurado at ligtas para sa paggalaw ng mga mananakay na pasahero.
Kabahagi rin sa seremonya sina Pasay City Vice Mayor Noel Del Rosario, DOTr Undersecretary for Finance Giovanni Lopez, Undersecretary for Railways Timothy John Batan, Philippine National Railways (PNR) General Manager Junn Magno, SMPHI President Jeffrey Lim, City Engineer Edwin Javaluyas, City Legal Officer Atty. Severo Madrona, at iba pang mga opisyal at kinatawan ng Pasay LGU at ng pribadong sektor. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.