(Nilagdaan ng PH, Japan) P112.9-B LOAN PARA SA SUBWAY PROJECT

NILAGDAAN ng Pilipinas at ng Japan ang 253.3 billion yen (P112.9 billion) loan agreement sa second tranche na magpopondo sa konstruksiyon ng Metro Manila Subway Project, ayon sa Department of Finance (DOF).

Ang loan ay maaaring bayaran sa loob ng  27 taon na may grace period na 13 taon, para sa kabuuang maturity period na 40 taon.

Ito ang kasunod ng naunang 104.53 billion yen (P47.58 billion o $933.73 million), na mayroon ding 40-year total maturity period, na nilagdaan noong 2018.

Ayon sa DOF, bagaman orihinal na itinaya na nagkakahalaga ng P350-billion, ang kabuuang halaga ng proyekto ay itinaas sa  P488.48 billion, isang hakbang na inaprubahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board noong Sept. 23 ng nakaraang taon.

Sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na ang buong proyekto ay matatapos sa 2025.

Nangako ang  DOTr na sisimulan ang partial operations ng subway bago matapos ang termino ni Presidente Rodrigo Duterte.

Ang underground railway ay may habang 34 kilometers mula Valenzuela hanggang Bicutan sa Taguig City at sa NAIA Terminal 3 sa Pasay City na may 17 stations.

Para sa nalalabing tatlo o apat na tranches ng kabuuang  loan, sinabi ng DOF na ipalalabas ng Japan International Cooperation Agency o JICA ang pondo base sa project requirements at sa pag-uusap pa ng JICA at ng DOTr.

Nilagdaan nina Finance Secretary Carlos Dominguez III, para sa Philippine government, at Mr. Eigo Azukizawa, ang Chief Representative ng JICA, ang loan deal para sa kauna-unahang  underground railway sa bansa.

Dumalo rin sa signing ceremony sina Japanese Ambassador Kazuhiko Koshikawa at Transportation Undersecretary for Railways Timothy John Batan.