NILINAW ni Civil Service Commission (CSC) Chairman Karlo Nograles na hindi naman ipinagbabawal ang pagdaraos ng Christmas o year-end parties bilang taunang tradisyon sa iba’t ibang opisina ng pamahalaan.
Subalit ang mahigpit na paalala ni Nograles, kasabay sa kasiyahang ito, hindi dapat matigil o maputol ang pagkakaloob ng serbisyo sa taumbayan ng mga government office.
“Ang mga Christmas o year-end parties po ay bahagi na ng taunang tradisyon sa mga opisina. Hindi naman ito ipinagbabawal, ngunit siguruhin po nating tuloy-tuloy ang pagbibigay-serbisyo ng ating mga tanggapan sa loob ng official working hours. ‘Wag po nating hayaang habang tayo ay nagsasaya, malungkot o galit naman ang ating mga kliyente,” sabi pa ng CSC head.
Kaya naman hinimok ni Nograles ang mga pinuno ng bawat tanggapan ng pamahalaan, lalo na ang nasa tinatawag na ‘frontline services’, na magpatupad ng kaukulang working schedules kapag magsi-celebrate ng Kapaskuhan o holiday season sa loob ng kanilang office hours or duties.
Patuloy ring pinaalalahanan ng CSC ang lahat ng government workers na umiwas sa pag-solicit o paghingi ng regalo ngayong Chistmas season.
Ito ay base na rin sa itinatakda ng Section 7(d) ng Republic Act No. 6713, o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees at ng Section 3 ng Republic Act No. 3109, o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
“Bagama’t bahagi na ng ating kulturang Pilipino ang pagiging mapagbigay lalo na sa panahon ng Kapaskuhan, tandaan po natin na ang ating serbisyo bilang lingkod bayan ay binabayaran na ng taumbayan sa pamamagitan ng ating buwanang sahod,” pahayag pa ni Nograles.
“If there is a client or applicant, supplier or contractor, or any other individual, group, or company that you transacted business or regularly transact business with, who is extending a gift or token to you, just politely decline and explain that you are only doing your job. Sa madaling salita, trabaho lang po.” dagdag pa niya. ROMER R. BUTUYAN