(Nilinaw ng DOTr) WORKERS EXEMPTED SA ‘NO VAX, NO RIDE’

HINDI kasali ang mga manggagawa na hindi pa fully vaccinated laban sa COVID-19 sa ‘no vaccination, no ride’ policy na ipinatupad ng De partment of Transportation (DOTr).

“’Yung pagpunta sa trabaho is considered essential travel. ‘Yung pagbili ng pagkain, tubig, ‘yung mga ganoon po. ‘Yun ang mga exempted natin,” wika ni DOTr Undersecretary Artemio Tuazon sa hearing ng House Committee on Health sa COVID-19 pandemic.

Ang essential travel ay isa sa dalawang basic exemptions para sa unvaccinated o partially unvaccinated sa mga pampublikong sasakyan, habang ang isa ay ang pagiging “medically incapable” na mabakunahan, na dapat mapatunayan sa pamamagitan ng medical certificate.

Ayon kay Tuazon, ang naturang mga manggagawa ay kailangan lamang magpakita ng company ID o certificate of employment para payagang makasakay sa pampublikong sasakyan.

Kailangan din, aniya, ay nagtatrabaho sila sa mga industriya na pinapayagan sa ilalim ng  Alert Level 3.

“Informed naman po ang ating mga enforcers. So, kailangan lang nilang puntahan ang team leader sa area kung saan sila sinita,” sabi ni LTFRB-NCR Director Zona Tamayo nang tanungin kung ano ang dapar gawin sakaling tumanggi ang enforcers na kilalanin ang mga iprinisintang  dokumento.

Ginawa ng opisyal ang paglilinaw isang araw makaraang ipatupad ng DOTr ang ‘no vaccination, no ride’ policy sa Metro Manila. May mga ulat na may unvaccinated o partially vaccinated commuters na hinarang na makasakay kahit papasok sila sa trabaho.

Sa Palace briefing ay ikinalungkot naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang naturang mga report.

“Exempted po ang mga workers natin because they are rendering essential services,” paliwanag niya. “’Pag inihinto mo mga ‘yan, paano gagalaw ang ating mga negosyo? ‘’Pag walang negosyo, walang ekonomiya.”