(Nilinaw ng DOTr)NAIA ASSETS ‘DI IBIBIGAY SA PRIVATE SECTOR

NILINAW ng Department of Transportation (DOTr) na ang plano ng gobyerno na pagsasapribado sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay para lamang sa operasyon at hindi sa pagmamay-ari.

“Ang ibig sabihin ng presidente, hindi naman natin ibibigay sa private sector ‘yung assets ng NAIA. Ang ibig niyang sabihin, it’s the private sector who will manage the operations,” pahayag ni Transportation Secretary Jaime Bautista sa isang briefing sa Palasyo.

Aniya, maaari itong isagawa sa pamamagitan ng isang concession agreement.

Sinabi ni Bautista na ginagawa na ito ng pamahalaan sa Cebu at Clark.

“Cebu is operated by GMR-Megawide although ‘yung asset naman ay asset talaga ng gobyerno kaya hindi naman na-privatize ‘yung infrastructure. This is also the same with the operations of the Clark International Airport, ‘yung asset remained with the government but ‘yung operations ay ginagawa ng private sector,” dagdag pa niya.

Nang tanungin kung magkakaroon ng taas-pasahe sa sandaling isapribado ang NAIA, sinabi ni Bautista na hindi ito awtomatiko dahil ang regulatory function ay mananatili sa gobyerno.

Noong nakaraang buwan, sinabi ng DOTr chief na binubuo na ng pamahalaan ang mga probisyon sa implementing rules and regulations (IRR) ng public–private partnership upang gawin itong “investor friendly.”