HINDI na kasali ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa educational assistance na ipinamamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mahihirap na estudyante, ayon kay Secretary Erwin Tulfo.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB, sinabi ni Tulfo na ipinagbigay-alam sa kanya ng isang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) officer na nakatanggap na ang 4Ps beneficiaries ng educational aid mula sa DSWD kaya hindi na sila dapat isama sa mga bibigyan ng cash aid hanggang September 24.
“‘Yung 4Ps is educational na po ‘yan eh. Hindi para sa pamilya. ‘Yan ay para sa bata. Kaya nga may P600, P700, P800 na mga ibinibigay monthly para sa edukasyon ng mga bata. Nasa polisiya ‘yan na tumatanggap na sila ng educational assistance. Dapat hindi na sila tumatanggap ng educational assistance mula sa pamahalaan,” ani Tulfo.
Gayunman ay taliwas ito sa naunang pahayag ni Tulfo na pasok din ang 4Ps beneficiaries sa programa sa harap ng pagbubukas ng klase ngayong Lunes, August 22.
Dahil dito ay humingi ng paumanhin si Tulfo sa mga benepisyaryo ng 4Ps, at nilinaw na hindi sila pasok sa AICS program.
“Bagama’t nasabi ko na puwede, siguro sa pagmamadali ko noong tinatanong ako ng reporter, sinabi ko na puwede ang 4Ps. Pero noong unang labas ko sa social media sa DSWD announcement, walang 4Ps doon eh,” aniya.
Sa pagsisimula ng pamamahagi ng ahensiya ng educational assistance nitong Sabado ay dumagsa ang mga estudyante at kanilang mga magulang o guardians sa mga tanggapan ng Department of Social and Welfare Development (DSWD).