NINJA COPS KINILALA NA

Oscar Albayalde

HINUBARAN  na ng maskara ni dating Criminal Investigation and Detention Group (CIDG) chief at  Baguio City Mayor at Benjamin Magalong ang  mga tinaguriang ‘ninja cops’.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig sa Senado kahapon ay  sinabi ni Magalong na inatasan siya noon  ni dating Philippine National Police (PNP) Chief Alan Purisima na imbestigahan ang mga pulis na nagre-recycle ng nakum­piskang ilegal na droga sa lalawigan ng Pampanga noong 2013  kung saan si  PNP Chief Oscar Alba­yalde ang pinuno ng Pampanga Police Office noon.

Sinabi ni Magalong na pinaimbestigahan din sa kanya ang pagkakaroon ng Sports Utility Vehicles (SUV) ng ilan sa mga da­ting tauhan ni Albayalde na isinangkot sa droga.

Batay sa impormas­yon ni Magalong, umaabot sa 200 kilo ang nakuha sa raid sa bahay ng isang suspected drug lord sa Pampanga pero 30 kilos lamang ng shabu ang kanilang idineklara.

Pinangalanan ni Maglong ang ilang mga pulis na sangkot dito na sina Superintendent Rodney Raymundo Baloyo IV, Senior Inspector Joven de Guzman Jr.,  SPO1s Jules Maniago, Donald Roque, Ronald Santos, Rommel Vital, Alcindor Tinio; Eligio Valeroso; PO3s Dindo Dizon; Gilbert De Vera; Romeo Guerrero Jr.; Dante Dizon; at PO2 Anthony Lacsamana.

Ang nasabing anti-drug operations ay sinasabing  naganap  noong Nobyembre  29, 2013 sa bahay ng isang Jayson Lee sa Woodbridge Subdivision, Lakeshore View, Pampanga.

Sangkot sa nasabing operasyon ang Provincial Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Force ng Pampanga Provincial Police Office.

Nagbayad  umano ng P50 million si Lee kaya ito nakalaya sa custody ng mga pulis.

Habang ginagawa ang imbestigasyon ay sinibak si Albayalde bilang pinuno ng Pampanga Police Office habang   pinatawan ng  one-rank demotion ang mga pulis na sangkot sa nasabing operasyon.

MARAMI PA RING PULIS ANG SABIT SA DRUGS – ­ALBAYALDE

Inamin na ni ­Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde na marami pa ring mga pulis ang abusado, at sangkot sa transaksiyon ng ilegal na droga.

Ayon kay Albayalde, sa 17 buwan na panunungkulan niya bilang PNP chief, ginawa niya lahat ng kaniyang makakaya upang tuldukan na ang anumang uri ng katiwalian sa hanay ng pulisya, at panatilihing positibo ang imahe ng pulisya.

Aniya, bilang pinuno ng PNP, kumpiyansa siya na napanatili niya ang integridad ng PNP sa pamamagitan ng pagsibak sa mga tiwaling pulis at ang patuloy na internal cleansing sa hanay ng PNP.

Kaugnay nito, umapela naman si Albayalde sa publiko na tigilan na ang mga akusasyon sa PNP.

I admit that there are a number of policemen who are reportedly abusive, corrupt or involved in illegal drugs, but for the last 17 months since I became chief [of Police], I have strived to lead the 190,000 policemen to uphold the positive image of the PNP by sustaining the internal cleansing program initiated by my predecessor,” ani Albayalde. DWIZ882

Comments are closed.