NINJA COPS, PATAYIN NA LAMANG–GO

TAHASANG  sinabi ni  Senador  Christopher Lawrence “Bong” Go  na mas mabuting patayin na lamang ang mga ninja cop na responsable sa pagre-recycle ng mga nakumpiskang droga.

Iginiit ni Go na  hindi sapat ang pagsasapubliko lamang ng mga pangalan ng ninja cops kundi dapat ay patayin  umano ang mga ito.

Aniya, bukod pa ito sa mga kasong administratibo at kriminal na dapat isampa sa mga abusadong pulis.

“Lahat criminal, administrative. Ninja cops? Magre-recycle? Patayin yan,” mariing pahayag ni Go.

Sa ambush interview, sinabi pa ng senador na nasa kamay na ni Pangulong Rodrigo Duterte kung ano ang gagawin nito sa mga sinasabing sangkot sa Agaw Bato scheme.

“Na kay Presidente na ‘yun. Sa Executive, siya naman ang Pangulo, under naman sa kanya ang PNP,” diin ng senador.

Reaksiyon ito ni Go makaraang magbotohan noong Martes ng gabi ang mga senador upang payagan ang Senate Justice at Blue Ribbon Committees na ilabas ang nilalaman ng executive session na kanilang isinagawa sa huling pagdinig sa implementasyon ng Good Conduct Time Allowance Law (GCTA).

“’Yun ang napagbotohan kahapon, ipauubaya. Alam n’yo pag-executive session kami in confidence po. Hindi namin puwedeng sabihin kung ano ang nasa loob. Ngayon with the authority of the body, 17-0, ibig sabihin ibibigay nila kay Presidente,” paliwanag ni Go.

Idinagdag pa nito, kung siya rin umano  ang tatanungin, mas maiging isapubliko ang mga pangalan ng mga sinasabing sangkot sa Agaw bato scheme.       VICKY CERVALES

Comments are closed.