BILANG pangunahing misyon ng kanyang bagong puwesto na hepe ng PNP directorial staff ay nangako si outgoing NCRPO chief Gen. Guillermo Eleazar na isusulong niya at lalo pang paiigtingin ang paglilinis sa mga bulok sa loob ng Pambansang Pulisya.
Sa bagong posisyon na kanyang gagampanan simula sa araw na ito ay tatayo si Gen. Eleazar bilang bastonero ng buong Pambansang Pulisya.
“Itutuloy ko at higit pang pag-iibayuhing masupil ang mga iskalawag sa kapulisan, lalo na ang mga tinaguriang ‘ninja cops’ na sumasabotahe sa giyera ng gobyerno laban sa ilegal na droga,” mariing pahayag ni Eleazar, habang naghahanda sa kanyang paglipat mula NCRPO office sa Bicutan papuntang Kampo Crame sa lungsod Quezon.
Nauna nang nagmarka ang performance ni Eleazar sa kanyang pagtaguyod na maitaas pa ang tiwala ng taumbayan sa 190,000-strong PNP sa pamamagitan ng masipag at matapat na pagpapatakbo sa kapulisan ng National Capital Region.
Nakilala ang heneral sa kanyang walang kinikilingang pagdisiplina sa mga tamad at abusadong pulis at sa maagap niyang pagtugon sa reklamo ng mamamayan sa mga katiwalian at lihis na gawain ng kanyang mga nasasakupan.
Matatandaan na walang humpay rin ang kampanya ng NCRPO laban sa ilegal na droga habang nakatuon din ang pagkilos ng kanyang mga tauhan sa iba pang paglabag sa batas tulad ng ‘human trafficking’ kung saan daan-daang biktima ang nailigtas sa prostitusyon at daan-daan din ang mga dayuhang suspek na kanilang nalambat.
Ayon sa uupong hepe ng PNP directorial staff, kanyang bibigyan ng pokus ang pangako ng Pangulong Duterte laban sa ilegal na droga at ang korupsiyon sa loob ng Pambansang Pulisya sa pamamagitan ng pagtugis sa mga tinatawag na ‘ninja cops’ sa kalunsuran man at sa kanayunan.
Sa kaugnay na balita ay nagpahayag naman ng paniniwala si Rep. Fidel Nograles ng Rizal na dapat maging maingat ang Pangulo sa pagpili ng bagong uupong pinuno ng PNP dahil sa maraming isyung bumabalot sa kapulisan.
Ayon sa kongresista, na nagmamasid sa balasahan sa PNP, ang misyon ni Eleazar bilang bastonero ng Pambansang Pulisya bilang hepe ng directorial staff ay pagtubos na rin sa ‘kalat o dumi’ na idinulot ng ninja cops sa imahe ng PNP na kung saan nadawit ang mga tigasing heneral ng PMA Class ‘86 sa pangunguna ng kasalukuyan PNP chief Oscar Albayalde.
“May wisdom sa likod ng maraming paniniwala rito sa amin sa Kamara na hindi dapat iupo bilang PNP chief ang sinuman sa PMA Class ‘86 upang hindi madungisan ang tiwala ng mamamayan sa kampanya ng gobyerno laban sa ilegal na droga,” dagdag na pahayag ni Nograles, vice chair ng House justice committee.
Si Eleazar ay kasapi ng PMA Class ‘87 at sinasabi ng mga mambabatas na mayroong kakayahang magpatupad sa mga programa ni Pangulong Duterte kaya ibinibilang na “dark horse” sa mga kandidatong papalit kay Albayalde na pawang kasapi ng PMA Class ‘86 na ang ilan ay nasasangkot sa kontrobersiya na kasalukuyang iniimbestigahan ng Senado tungkol sa ilegal na droga. PILIPINO MIRROR NEWS TEAM
Comments are closed.