NIRATIPIKAHAN na ng Senado ang bicameral conference committee report ng ‘Kabalikat sa Pagtuturo Act’, isang panukala na magtataas sa teaching allowance ng mga guro sa pampublikong paaralan.
Sa ilalim ng bicam report na nagresolba sa mga pagkakaiba ng House Bill No. 9682 at Senate Bill No. 1964, magiging institutionalized na ang pagbibigay ng teaching allowance sa public school teachers. Simula School Year 2025-2026, makatatanggap na ang mga guro ng Teaching Allowance na nagkakahalaga ng P10,000.
Maaaring gamitin ang naturang Teaching Allowance para sa pagbili ng teaching supplies at materials, mga hindi inaasahang gastusin, at pagpapatupad ng iba’t ibang learning delivery modalities o paraan ng pagtuturo.
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, isa sa mga may akda ng naturang panukala, napapanahon na ang pagiging institutionalized ng Teaching Allowance, lalo na’t naaprubahan na sa Senado ang parehong panukala noong 17th at 18th Congress.
Sinabi ng senador, na siya ring chairperson ng Senate Committee on Basic Education, makatutulong ang naturang Teaching Allowance sa mga guro, lalo na’t minsan ay napipilitan silang mag-abono para makabili ng mga gamit sa pagtuturo.
Binigyang-diin din ni Gatchalian na bagama’t may mga inisyatibo ang Kongreso para bigyan ng cash allowance ang mga guro sa ilalim ng taunang national budget, magbibigay ng dagdag seguridad sa usaping pinansiyal ang mas mataas na Teaching Allowance.
“Napapanahon nang tiyakin nating matatanggap ng mga guro taon-taon ang Teaching Allowance. Mahalagang tulong itong ipapaabot natin sa mga public school teachers, lalo na’t minsan ay nanggagaling sa sarili nilang bulsa ang perang pinambibili nila ng sapat na gamit sa pagtuturo,” ani Gatchalian.
Hindi rin papatawan ng income tax ang Teaching Allowance.
VICKY CERVALES