(Niregaluhan ng cash, groceries at e-bike with sidecar) SENIOR HIGH, TAHO VENDOR SA SCHOOL

TANZA, CAVITE: HINDI ang suot na unipormeng puting polo shirt at pants na itim na nakasapatos at suot ang shoulder bag na puno ng gamit sa eskuwela ang lubhang nakatawag-pansin sa estudyante ito.

Kundi ang dalawang baldeng stainless na may lamang taho, arnibal at sago na pasan-pasan niya gamit ang pingga na gawa sa kawayan na ilalako niya sa loob ng mismo ng eskuwelahang kanyang pinapasukan.

Siya si Gurprit Paris D. Singh, mas kilala sa palayaw na “Gopi” na ipinanganak sa Cebu City noong Disyembre 10, 2005.

May lahing banyaga si Gopi, kung saan Pinay ang kanyang ina habang isang Indian national naman ang kanyang ama.

Noong 2018 nang dumating sa Cavite ang pamilya ni Gopi at dalawa na lang sila ng kanyang ina ang magkasama sa buhay.

Kasalukuyang nasa Grade-11 si Gopi sa Tanza National Comprehensive – Senior High School at kumukuha ng kursong STEM.

Madaling-araw pa lamang ay gising na si Gopi upang ihanda ang paninda niyang taho. Mismong ang kanyang ina ang nagluluto ng arnibal at sago na nilalahok sa malinamnam at mainit-init na paninda niyang taho.

Mula sa Brgy. Mulawin kung saan naninirahan si Gopi nagsisimula ang paglalako at paglalakad nito hanggang marating ang kanyang eskuwelahan na umaabot ng isang kilometro at kalahati ang layo.

Habang nakasuot ng uniporme bilang estudyante ay pasan niya ang panindang taho. Hindi alintana ang init at masamang panahon.

Makikiusap sa guwardiya ng eskwelahan na pansamantalang iiwan ang panindang taho habang nasa klase ito. At kapag breaktime at uwian na itong kukunin upang muling ilako.

Umaabot ng halagang P400 hanggang P600 ang kinikita ni Gopi.

Kailanman ay hindi nahiya si Gopi sa kanyang ginagawa.

“There is nothing to be ashamed of sa ginagawa ko. I am doing a honest job without harming anybody else. My parents, teacher, and classmates are very supportive”, pagmamalaki ni Gopi.

“Life is like a math as there is always a solution to every problem. I only wish na sana yung mga taong going through hardships or problems in life will be able to find their solutions to solve their problems, and be happy including me”, dagdag pa ni Gopi.

Si Gopi ay nangangarap na maging isang Civil Engineer balang araw.

At dahil nag-viral ang video ni Gopi habang nagtitinda ng taho sa eskuwelahan, dalawang magkaibigang negosyante na sina Mike Ivander Presa at Renz Marlon Galloba Mateo ng JRP Thailand ang nagbigay ng maagang pamasko ang naturang estudyante.

Personal na ibinigay ng magkaibigan ang isang cash donation, grocery items at bagong E-bike with sidecar para kay Gopi. SID SAMANIEGO