NLEX BREAKTHROUGH MALAPIT NA — YENG

IIWAN ni Yeng Guiao ang NLEX sa mabubuting kamay.

Batid ng champion coach na malapit nang matamo ng Road Warriors ang kauna-unahan nitong PBA finals appearance, higit ang makasaysayang maiden championship.

Sa kanyang pagbisita sa weekly sports program Power&Play sa Radyo-5, sinabi ni Guiao na naniniwala siyang nandiyan na ang piyesa ng koponan, at siguradong mapapabilang na ang Road Warriors sa mga kampeon sa liga.

“Tingin ko ito na ‘yung stage na ‘yung piyesa ng team, camaraderie, chemistry, pag-absorb nila ng system, andiyan na, e,” sabi ni Guiao.

“Kaunting breakthrough na lang, andiyan na.”

Tinapos ni Guiao at ng NLEX ang six-year partnership nitong weekend sa isang hakbang na ayon sa magkabilang partido ay isang mutual decision.

“It was a mutual decision between the NLEX Road Warriors management and Coach Yeng Guiao to end the agreement,” pahayag ng NLEX management sa isang statement.

Sa ilalim ni Guiao, ang Road Warriors ay dalawang beses na nakarating sa semifinals at nasa playoffs sa huling tatlong conferences.

Hinubog din ni Guiao ang mga player na naging miyembro ng Gilas Pilipinas national team, kabilang sina Kiefer Ravena, Kevin Alas at Calvin Oftana.

“It’s in a breakthrough position and I will be proud if this team is able to advance or play even better even without me,” ani Guiao, na dati ring nagsilbing NLEX basketball operation head. “I will take pride in that.”

Pinasalamatan ni Guiao sina team owner Manny V. Pangilinan, board of governor Rod Franco, team executive Ronald Dulatre, NLEX president and general manager Luigi Bautista, ang NLEX Mancom, players, utility boys, coaching staff, at ang Road Warriors fans sa kanilang suporta.

“Alam nila mahal ko sila,” sabi pa ng champion coach.