NLEX CANDABA VIADUCT, BUBUKSAN NA

NAKATAKDANG buksan sa Disyembre 11 ang bagong P9-bilyong Candaba Viaduct 3 ng North Luzon Expressway (NLEx) para sa mas maayos na daloy ng trapiko sa rehiyon.

Halos kumpleto na ito at handang magbigay-serbisyo sa mga motorista bago ang Kapaskuhan.

Ayon kay J. Luigi Bautista, pangulo at general manager ng NLEx Corp., 97 porsiyento nang tapos ang istruktura at inaasahang pormal na bubuksan sa publiko sa Disyembre 10 o 11.

“We will formally inaugurate and open this on Dec. 10 or 11” ani Bautista sa ginanap na inspeksyon at test run ng tulay.

Ang Candaba Viaduct 3 ay three-lane 5-kilometer elevated bridge na itinayo sa pagitan ng dalawang kasalukuyang tulay na nagdurugtong sa mga bayan ng Pulilan, Bulacan at Apalit, Pampanga.

Sinabi rin ni Bautista na ang dami ng mga motorista sa NLEx na kasalukuyang nasa 350,000 araw-araw ay inaasahang tataas ng 10 porsiyento tuwing panahon ng Pasko at Bagong Taon.

Nauna nang natapos ang Zone 1 (Pulilan section) noong Agosto habang naging operational ang Zone 2 (Apalit section) nitong Oktubre.

Maliban sa mas mabilis na biyahe, inaasahang magpapalakas din ang bagong viaduct sa ekonomiya sa pamamagitan ng pagtaas ng kalakalan at mobilidad sa rehiyon.

RUBEN FUENTES