NAKA-FULL alert na ang pamunuan ng North Luzon Expressway (NLEX) para sa inaasahang pagtaas ng volume ng mga sasakyan na papasok at palabas ng Metro Manila ngayong Semana Santa.
Ni-reactivate na ang “Safe Trip Mo Sagot Ko” motorist assistance program kung saan nasa karagdagang 1,500 personnel ang ipinakalat sa buong expressway.
Ayon sa NLEX, inaasahan nito ang surge ng mga motorista lalo ang mga pa-norte mula alas-10 ng umaga ng March 27 hanggang alas-2 ng hapon ng March 28.
Mataas na volume din ng trapiko ang aasahan para sa Manila-bound motorists mula alas-4 ng hapon hanggang alas-11 ng gabi ng March 30 at mula alas-2 ng hapon ng March 31 hanggang alas-8 ng umaga ng April 1.
Tiniyak naman ng NLEX management ang dagdag na mga tauhan sa high volume areas kabilang ang mga rest at refuel stations. May ipakakalat ding incident response teams, tow trucks, at fire trucks sa buong expressway.
Nauna nang sinuspinde ang road works at lane closures sa NLEX, SCTEX at NLEX Connector.
Kaugnay nito, muling hinikayat ang mga motoristang dadaan sa NLEX na bumiyahe sa non-peak hours upang maiwasan ang mahabang trapiko at delay.
PAULA ANTOLIN