SA totoo lang, matagal nang OPM o “Oh Promise Me” ang nasabing Interconnector Road. Ito ay isang proyekto ng gobyerno na sinimulang pag-aralan noong panahon ni Pangulong Benigno Aquino. Ito ay isang proposal ng grupo ni Manny Pangilinan ng Metro Pacific Investments Corporation (MPIC) na inalok sa gobyerno noong 2010.
Natengga ito nang matagal noong panahon ni PNoy. Sa katunayan, upang mapabilis na umpisahan ang nasabing proyekto, gumawa ng joint venture agreement ang NLEX sa Philippine National Construction Corporation (PNCC) na pag-aari ng ating estado na gawin ang nasabing interconnector road.
Subali’t pagkatapos ng ilang buwan, naglabas ng desisyon ang DOJ na hindi raw maaring matuloy ang proyekto dahil kailangan ng panibagong pagrerepaso ng NEDA ang proyekto. Nakapagtataka lang dahil mayroon nang dating approval ang NEDA nito.
Dahil dito, noong buwan ng Pebrero 2015, nagbago ang ihip ng hangin at ang NEDA ay nagsabi na kailangang dumaan sa tinatawag na Swiss challenge ang proyekto dahil pasok daw ito sa isang unsolicited proposal ng gobyerno.
Ang Swiss challenge ay isang pamamaraan kung saan bubuksan ito sa ibang mga interesadong pribadong contractors na tapatan ang proposal ng NLEX. Dahil dito maraming nagbago sa detalye ng proyekto kaya nagtagal ang implementasyon nito at inabot nga ng kasalukuyang administrasyon.
Fast forward tayo ng limang taon. Ang pamunuan ng NLEX ay nag-anunsiyo kamakailan na uumpisahan na nang puspusan ang konstruksiyon ng interconnector road sa susunod na buwan.
Ayon sa Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC), kung saan bahagi ang NLEX, na ang unang section ng proyekto ay in-award na sa DMCI at ang gagawa naman ng ikalawang section ng proyekto ay iaanunsiyo sa second quarter ng taon.
Positibo ang pangulo ng NLEX na si Luigi Bautista na dire-diretso na ang proyektong ito at walang nakikitang balakid mula sa gobyerno upang mapabilis ang konstruksiyon nito.
Ang NLEX-SLEX connector road ay may habang walong kilometro. Ang lahat nito ay elevated o parang napakahabang tulay na hindi makasasagabal sa mga kalsada sa baba. Gagamitin ang linya ng PNR bilang gabay ng nasabing elevated highway. Mula sa NLEX, aakyat ito papuntang C3 road at 5th Avenue sa Caloocan City patungong PUP Sta. Mesa sa Maynila at dudugtong naman sa Skyway Stage 3 na ginagawa naman ng San Miguel Corporation patungong SLEX.
Kapag natapos ang dalawang proyekto, malaki ang mababawas sa oras ng biyahe mula Makati papuntang Quezon City o Caloocan City. Malaking benepisyo rin ito sa mga nais bumiyahe sa magkabilang lugar ng mga taga Norte o Hilaga at mga taga-Timog patungo sa NLEX at SLEX. Tinitingnan na matatapos ang dalawang proyekto sa 2022.