NLEX, TNT SA KRUSYAL NA LARO

PBA GOVERNORS CUP

Mga laro ngayon:

(Ynares Center-Antipolo)

4:30 p.m. – NLEX vs Alaska

7 p.m. – Magnolia vs TNT

SISIKAPIN ng NLEX at sister team Talk ‘N Text na makabangon sa pagkatalo at patatagin ang kanilang quarterfinal bid sa magkahiwalay na laban sa PBA Governors’ Cup ngayon sa Ynares Center sa Antipolo City.

Haharapin ng Road Warriors ang Alaska Aces sa unang laro sa alas-4:30 ng hapon, habang sasagupain ng Tropang Texters ang league-leading Magnolia Hotshots sa ikalawang laro sa alas-7 ng gabi.

Higit na kailangan ng NLEX at TNT ang panalo para mabuhay ang kanilang kampanya sa quarterfinals dahil sa sandaling matalo ay malalagay sa kritikal na sitwasyon ang Road Warriors at Tropang Texters.

Dahil wala si ace gunner Kiefer Ravena, kailangang kumayod nang husto ni import Aaron Fuller at ng mga local na sina Larry Fonacier, Alex Mallari, JR Quinahan, Raul Soyud at Kenneth Ighalo laban sa defense-oriented Alaska ni coach Alex Compton, sa pamumuno nina Mike Harris, Vic Manuel, JV Casio, Chris Banchero, Kevin Racal, Simon Enciso, Sonny Thoss at Chris Exciminiano.

Matagal nang hindi naglalaro si Ravena sa NLEX dahil sa 18 buwang suspension na ipinataw sa kanya ng FIBA Asia dahil sa paggamit ng illegal substance sa FIBA Asia Basketball. Ang kanyang pansamantalang pagkawala ay labis na nakaapekto sa laro ng NLEX.

Mahalaga rin para sa Alaska at Magnolia ang magwagi para lumakas ang kanilang kampanya sa semifinals.

Ang  Alaska at Magnolia ay ­kapuwa pasok na sa quarterfinals, kasama ang Barangay Ginebra, Blackwater at Phoenix.

Ang NLEX at TNT ay kapwa may 4-5 karata at galing sa talo. Yumuko ang  Road Warriors sa sister team Me­ralco Bolts, 105-108, habang nabigo ang Tropang Texters sa San Miguel Beermen, 96-107, noong  nakaraang Oct. 20 sa Calasiao, Pangasinan.

Ang tatlong nalalabing puwesto sa quarterfinals ay pinag-aagawan ng NLEX, TNT, SMB at Meralco.

Kung papalaring manalo ay kaila­ngang mamayani ang NLEX sa kanilang huling laro kontra sibak nang Rain or Shine, habang kailangang manaig ng TNT sa kanilang last game sa Barangay Ginebra sa Nov. 4, ang ­huling playing day ng elimination.

Kung mananalo ang SMB sa dalawang natitirang laro kontra ROS sa Oct. 27 sa Sta. Rosa, Laguna at Meralco sa Nov. 3 ay papasok ang Beermen sa susunod na round. Ang SMB ay kasalukuyang may 5-4 marka. CLYDE MARIANO

Comments are closed.